acid reflects

mostly a review site.

Cinemalaya 2017

Iniwan, iniwan
Rebyu ni Vives Anunciacion

THIS REVIEW IS IN FILIPINO

Published 8.11.2017 Inquirer Libre, PH

“See the Big Picture” and tema ng 2017 Cinemalaya Independent Film Festival na kasalukuyang ginaganap sa Cultural Center of the Philippines at sa Ayala Malls Cinemas na Greenbelt 1, Glorietta 4, UP Town Center, TriNoma, Fairview Terraces at Marquee Mall sa Pampanga hanggang itong linggo.

Sampung full-length films at labindalawang short features ang naglalaban para sa mga parangal.

Ito ang mga full-length films na kasapi sa ika-13 edisyon ng pista: Ang Guro Kong Di Marunong Magbasa ni Perry Escaño; Ang Pamilyang Hindi Lumuluha ni Mes de Guzman; Baconaua ni Joseph Israel Laban; Bagahe ni Zig Dulay; Nabubulok ni Sonny Calvento; Kiko Boksingero ni Thop Nazareno; Requited ni Nerissa Picadizo; Respeto ni Treb Monteras II; at Sa Gabing Nanahimik ang mga Kuliglig ni Iar Lionel Benjamin Arondaing.

Kiko Boksingero
Directed by Thop Nazareno
Rated PG

Kiko Boksingero trailer

Sa malamig na klima ng Baguio ganap ang kwento ng labing-isang taong gulang na Kiko (Noel Comia, Jr.) na iniwan ng mga magulang sa pangangalaga ng yaya nitong si Diday (Yayo Aguila) habang hinihitay ang desisyon ng tiyahin ng bata kung aampunin ito sa Amerika.

Sa saglit na pagbabalik sa bayan ang ama nitong dating boksingero na si George (Yul Servo), pansamantalang magbabalik ang ugnayan ng mag-ama tuwing uuwi si Kiko mula sa paaralan. Ngunit sa huli’y sa maaalalahaning yaya nito pa rin ang uwi ng bata.

Maliban sa isang linya kung bakit ayaw ni Kikong maging tulad ni Pacquiao paglaki niya, simple, swabe at walang pabigat sa sanaysay ng Kiko Boksingero, na magaang panoorin dahil sa pagganap nina Comia at Aguila. Nakatulong din ang tanawin sa Baguio. Feel-good ang pelikula.

Bagahe
Directed by Zig Dulay
Rated PG

Bagahe trailer

Istoryang hango sa laman ng mga balita, isang sanggol ang matatagpuang iniwan sa CR ng isang eroplanong mula sa Gitnang Silangan, at pinaghinalaan ng NBI si Mercy (Angeli Bayani), isang OFW na kababalik lang sa bayan ng Benguet. Susundan ng kwento ang imbestigasyon kay Mercy kung tutoong siya nga ang nanganak sa eroplano.

Intruiguing ang kwento nito at talentado ang buong cast. May unting build-up ng tension habang unti-unting nasisiwalat ang kataotohanan, samantalang nagpapatuloy pananahimik ni Mercy.

Lamang, ang tunay na bagahe ng pelikulang ito ay ang paraan ng paglalahad ng naratibo, kung saan naging “procedural” ito a) kung ano ang nangyayari kapag iniimbistigahan ng NBI ang isang tao; b) kung ano ang nangyayari kapag dinadala ang isang babae sa pangangalaga ng DSWD; c) kung ano ang nangyayari sa medico-legal. Masyado rin naparami ang characters nang hindi kinakailangan kaya mukhang naubos ang budget ng pelikula sa cast pa lang. Pero magaling si Bayani rito bilang biktima ng mga pangyayari.

Maingay rin ngayon ang rap battle drama Respeto ng music video director Treb Montreras, starring Abra, Dido dela Paz and Chai Fonacier. Paumanhin pong hindi ko ito maaaring irebyu ito dahil kabilang ako sa kumpanyang gumawa nito.

Maaari pang habulin ang mga pelikulang ito hanggang linggo, Agosto 13.

Posted in

Leave a comment