Nakapagpapabagabag
Review ni Vives Anunciacion
THIS REVIEW IS IN FILIPINO
An Inconvenient Sequel: Truth to Power
Directed by Bonnie Cohen, John Shenk
Documentary narrated by Al Gore
Rated PG
Exclusive in Ayala Cinemas
Published 9.1.2017 Inquirer Libre, PH
An Inconvenient Sequel trailer
Iba na talaga ang panahon ngayon. Kapag hindi umuulan, parang summer pa rin sa init. Kapag umuulan naman, parang ayaw tumigil. At ang mga bagyo, mas madalas na sa Mindanao kaysa pa-Luzon.
Sampung taon matapos ipakita ni former US Vice President Al Gore ang mga nakakatakot na scenario dala ng climate change at global warming sa dokumentaryong An Inconvenient Truth (2006,) muli nanaman niyang kinakalampag ang mga konsensya ng sankatauhan upang paalalahanan na hindi pa huli ang lahat.
Sa sequel na ito, sinusundan si Al Gore sa walang-tigil nitong pakikipag-usap sa iba’t ibang sektor sa USA, sa Europa at sa Asya upang magawan ng paraan ang solusyon sa climate change. Kung sa unang dokumentaryo ay pinapaliwanag ni Gore ang epekto ng global warming at climate change sa pamamagitan ng mga Keynote slide shows, mas nakatuon ang Sequel sa mga pangyayari sa likod ng camera, tulad ng mga pag-uusap sa mga polisiya ng mga pamahalaan hinggil sa climate action, pagpunta ni Gore sa mga climate leadership training seminars na sinimulan ng kaniyang foundation, at pagbisita ni Gore sa mga lugar na nagpapakita sa epekto ng climate change na hinulaan ng unang dokumentaryo.
Kung noong 2006 ay ipinakita ni Gore ang epekto ng hurricane Katrina sa USA, sa Sequel naman ay binabanggit ni Gore na halimbawa ang epekto ng superbagyong Yolanda sa Pilipinas kung paano nagiging mas malakas ang mga bagyo at nagiging malubha at tagtuyot at pagbaha dahil sa global warming.
Pero isa sa mahalagang segment ng Inconvenient Sequel ay nang makarating na sa Paris ang mga negosasyon ng 196 na representante ng iba’t ibang bansa kung saan ipinapakita ang kaibahan ng perspektibo ng Developing countries versus sa mayayamang bansa patungkol sa kung sino ang magbabayad sa gastusin upang labanan ang climate change – kung nauna namang nanghasik sa kalikasan ang development ng mayayamang bansa kaysa sa mga bansang ngayon lang nagdedevelop gaya ng India at Pilipinas.
Samantalang nagaganap ito ay sinisingit ipakita ang mga interview kay Donald Trump, na bago pa man nanalo bilang bagong presidente ng US ay isa sa pinakamaingay na tumatanggi sa science ng climate change at nangakong babaligtarin ang pagsunod ng US sa Paris Climate Agreement.
Walang duda na mahalaga pa rin ang mensahe ng An Inconvenient Sequel tulad ng naunang dokumentaryo ni Gore, at kabilib-bilib ang pagsisikap ni Gore at ng kaniyang team upang magawan ng paraan na ma-operationalize sa mga pamahalaan at mga maliliit na bayan kung paano tutugunan ang pagsubok na ito. Higit sa lahat at ipinapakita ang positibong mensahe ng pagtutulungan ng mga apektado kahit na magkaiba ang pinanggagalingan na grupo. Maging balakid man sa ibang banda ang pamumulitika at pagkakalat ng maling paniniwala tungkol sa climate change, ipinapakita rin dito na maaari itong malampasan, gaya ng binisita ni Gore na Republican mayor na nanguna sa pagpapatupad ng 100% renewable energy sa isang maliit na bayan sa Texas.
Mas matapang man ang mga salita na gamit dito kumpara sa unang Inconvenient documentary, hindi maikakaila na kailangan na itong aksyunan ng mga pamahalaan.
Maliit na pagpuna lang – sa dulo ng pelikula ay may magagandang mensahe si Gore na parang recruitment video para sa kanilang ahensya ang dating. Wala namang mali dito, lalu na’t morally correct at urgent ang causang ito. May impression lang na gayon kahit hindi sinasadya.

Leave a comment