Piyesta
Rebyu ni Vives Anunciacion
Pista ng Pelikulang Pilipino
Published 8.16.2017 Inquirer Libre, PH
THIS REVIEW IS IN FILIPINO
Masuwerte na yung makakapanood nang higit sa isang kalahok sa gaganaping Pista ng Pelikulang Pilipino, na handog ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) simula nitong Miyerkules.
Sa unang pagkakataon labas ng Metro Manila Film Fest, labindalawang pelikulang Filipino lang ang ipalalabas sa mga sinehan hanggang sa susunod na Martes. Maganda na itong hakbang sa pagpapalaganap ng sarili nating akda. Sa hiwalay na usapan na lang kung maigi nga ba na 12 pelikula ang mag-aagawan sa sa atensyon ng manonood.
Maaaring tignan ang mga detalye ng mga pelikulang kalahok sa Facebook page na pistangpelikulangpilipino facebook.com.ph/fdcpph
Pista ng Pelikulang Pilipino
Agosto 16-22, 2017
Nationwide
• 100 Tula Para Kay Stella, ni Jason Paul Laxamana
• Ang Manananggal sa Unit 23B, ni Prime Crisologo Cruz
• AWOL movie, ni Enzo Williams
• Bar Boys, ni Kip Oebanda
• Birdshot, ni Mikhail Red
• Hamog, ni Ralston Jover
• Paglipay, ni Zig Dulay
• Patay na si Hesus, ni Victor Kaiba Villanueva
• Pauwi Na, ni Paolo Villaluna
• Salvage, ni Sherad Anthony Sanchez
• Star na si Van Damme Stallone, ni Randolph Longjas
• Triptiko, ni Miguel Franco Michelena
Sa isang banda, maganda na ang mga kalahok na pelikula ay may kadikit na representasyon ng mga probinsya ng Pilipinas. Nakakatulong na subtitled in English ang mga palabas para sa ikaiintindi ng nakararami.
Patay na si Hesus
Direksyon ni Victor Villanueva
Road trip comedy in Bisaya ito, tungkol kay single-mother Iyay (Jaclyn Jose) na kailangang dumalo sa burol at libing ng hiniwalayang asawa sa Dumagete. Papunta sa lamay habang sakay sa kanilang minivan, magkakaroon ng kakaibang bonding ang pamilya.
Hindi balakid sa katatawanan ang binisaya nito, salamat sa mga walang pakundangang (irreverent) situations kasama ang makukulay na mga anak ni Iyay – mula sa special child na Hubert (Vincent Viado), hayahay na Jay (Melde Montañez) at trans son Jude (Chai Fonacier.) May saktong screen time naman ang bawat karakter kaya nadaragdag ang sari-sarili nilang isyu sa kabuuang kalokohan.
100 Tula Para Kay Stella
Direksyon ni Jason Paul Laxamana

100 Tula Para Kay Stella trailer
Blockmate freshies si Fidel (JC Santos) na may speech impediment, at ang rocker na Stella (Bela Padilla) sa isang agricultural college sa Pampanga. Agad na mahuhulog ang loob ng binata sa pasaway na kaibigan, na pag-iipunan niya ng sandaang tula bago niya maihayag ang damdamin sa dalaga.
Mahusay ang chemistry ng dalawang bida dito, at maraming magical moments ang pelikula in terms of acting (pati na sa isang propesor nila na ginagampanan ni Ana Abad Santos.) Maayos ang produksyon at malinis ang pagkakagawa.
Iyun lang ay hindi yata nadevelop ang paggamit ng tula, at halos lahat ay rhyming verses lamang (di tulad, sabihin natin, kung may iba’t ibang uri sana ng tula gaya ng sonnet or haiku.) Malabnaw rin ang romance nina Fidel at Stella, kung kaya’t (kahit na mahusay at maramdamin ang mga huling eksena nila) tatanggapin na lang ang nangyari. Sa tutoo lang, kung ano ang problema ni Fidel sa simula ay halos ganun pa rin sa ending.
Ang Manananggal sa Unit 23B
Direksyon ni Prime Cruz
Ang Manananggal sa Unit 23B trailer
Isa rin sa mga nagwagi sa huling QCinema Film Fest gaya ng Hesus, tungkol ito sa urban myth na may nagtatagong mananaggal o aswang sa lungsod. Si Jewel (Ryza Cenon) ang bagong lipat sa tenement na tinitirahan din ni Nico (Martin del Rosario.) Sa pagitan ng mga nagaganap na patayan sa ibang bayan, magkakaigihan damdamin ng dalawa.
Mahusay ang cinematography at visual effects, kapansin-pansin na impluwensiya ng HongKong at Taiwan cinema sa direktor. Maayos naman ang pagtimpla ng salita at Pinoy soundtrack upang bigyan ng romance ang dalawang bida – ngunit ang kahinaan ng palabas ay ay kakulangan ng chemistry ng dalawa na hindi sapat para paniwalaan ang kanilang hawak-kamay na pagtakas sa huli.
Napapanahon ring may mga pahaging sa war on drugs ng administrasyon ang mga pelikulang lumalabas ngayon. Sa Mananaggal, itinahi ang mga balita sa tokhang ang mga nagiging biktima ng halimaw; sa Patay na si Hesus, isang punchline ang tokhang at isang habulan na may kinalaman sa isang tulak; at para sa 100 Tula, pinahahalagahan ang rehabilitation dahil dapat pinagbibigyan ang lahat sa pagbabago.
Kung maaari ay panoorin agad ang napupusuang palabas, dahil walang garantiya na mapapalabas sa sinehan ang lahat ng 12 titles hanggang Miyerkules.


Leave a comment