Puso at saging
Rebyu ni Vives Anunciacion
THIS REVIEW IS IN FILIPINO
Kita Kita
Written and Directed by Sigrid Andrea Bernardo
Rated PG
Published 8.2.2017 Inquirer Libre, PH
Huli man daw at magaling, huli pa rin. Ika nga ni Tonyo (Empoy Marquez,) “It’s now, it’s never.” Ngayon ko lang marerebyu ang Kita Kita ni Sigrid Andrea Bernardo. Dalawang linggo matapos lumabas sa mga sinehan, patuloy pa rin itong pinupusuan ng mga manonood dahil sa hitik sa hugot lines at pasok sa henerasyong hokage.
Sa Sapporo sa Hokkaido, Japan magtatagpo ang mga landas ng kapwa Pilipinong sina Lea (Alessandra de Rossi) at Tonyo (Empoy) sa panahong tinamaan ng temporary blindness ang tourist guide na si Lea dahil sa kaniyang mga pinagdaraanan.
Sa pangungulit ni Tonyo, papayag si Lea na maging tour guide niya.
Lea: Nakikita mo bang bulag ako?
Tonyo: Eh ano kung bulag ka? Ako naman ang magsisilbing mga mata mo.
Sabe.
Magiging magkaibigan ang dalawa, magpapalitan ng hugot lines, at hindi magtatagal ay magkakaigihan. Sa puntong iyon ay dapat papasok ang awiting Two Less Lonely People na version ni KZ Tandingan, pero hindi pa. Sa bandang ending ito ipapatugtog, sa medyo hindi inaasahang pagkakataon.
There’s no other way to describe the film except that it’s charming as hell. May magic sa tambalang Alempoy (Alex + Empoy) na ramdam na umaapaw sa screen. Eto na siguro ang pelikula kung saan pinakanakatatawa ang komedyanteng si Empoy, dahlian para lalong mabenta ang mga hugot na walang poknat na pinagbabato nila ni Alex.
Alex and Empoy represent everyday Filipinos – hindi tulad ng ibang rom-com na may isang mayaman at isang api, o kaya’y isang gwapong prinsipe na sasagip sa habag na dalagita. Wala na sigurong mas oordinaryo pa kay Empoy sa itsura at dating; at ang paghahanap nila Tonyo at Lea ng paghihilom mula sa kasawian ay hindi naiiba sa pangaraw-araw na pinagdaraanan ng Pinoy. At wala itong pinipilit na malalim na problema ng lipunan (maliban siguro sa maraming matatanda sa Japan) kaya tutok ka lang sa dalawa.
Sa ilang aspeto pinaalalahanan ako ng pelikulang ito sa That Thing Called Tadhana (2014) na tumatak din sa hopelessy romantic na mga Pinoy. Palitan mo lang ang Sagada ng picturesque na Sapporo, at ilipat ang mga hugot kay Empoy. Pero yung happy hugot – tipong galawang breezy. May puso at damdamin man ang ibang local rom-com, Kita Kita lang ang natatanging puso na may saging.
Nakatulong sa pagka-charming ng palabas ang magandang tanawin sa Sapporo, capital ng northern island ng Japan na Hokkaido na sikat sa kanilang beer at Snow Festival. Whatever element of fantasy sa tradisyunal na rom-com ang nawala sa casting ni Empoy bilang male love interest, naibabalik naman ito ng mga tourist spots ng Sapporo samantalang nagliligawan ang Alempoy.
Sa ganitong banda, Kita Kita is not a revolutionary concept altogether. Maaaring kakaiba ang pagpili kay Empoy sa role, pero iyon ang kailangan sa kwento at ang pelikula ay romantic comedy pa rin. Maaaring hindi nilagyan ng theme song ang bawat eksena, pero isa lang naman na theme song ay sapat na. Maaaring sa una ay walang defined na escalation ang plotting ng kwento nina Lea at Tonyo, pero para magkaroon ng standard conflict ay nilagay sa third act.
Halata ang formula na ito sa huling bahagi ng palabas kung saan (without spoiling the plot) ipinatugtog ang theme song sa isang montage – insert Studio network here. Pero in fairness, nakaaantig yung pagpiring ni Lea sa mga mata niya. Comparatively, mas revolutionary pa ang lesbian love story ng Ang Huling chacha ni Anita (2013) na sinulat at dinerehe rin ni Bernardo kung saan isang batang babae ang nainlove sa isang mas matandang babae sa isang makatradisyunal na setting. Gayunpaman, matagumpay ang pagkakabuo ng Kita Kita as a conceptual rom-com. Something finally went right, sabi nga ng kanta.
Huwag lang kalimutan na ang susi sa kaligayahan (happiness) ay repolyo.

Leave a comment