Sindakan
Rebyu ni Vives Anunciacion
Published 8.25.2017 Inquirer Libre, PH
THIS REVIEW IS IN FILIPNO
Sindakan ang labanan sa magkaibang palabas na ito – ang una’y dala ng sinumpang manyika, at ang ikalawa naman ay bukambibig ng isang madiskarteng empleyado.
Annabelle: Creation
Directed by David F. Sandberg
Rated R13
As if kulang pa sa pananakot itong manyikang dilat ang mga mata, nagbabalik si Annabelle ngayong ghost month para sa kwento ng kaniyang pinagmulan, na extension ng kwento ng mag-asawa sa Annabelle (2014) na kadugtong naman sa naunang The Conjuring (2013.)
Sa “Creation,” taong 1943 ipinakita ang pinagmulan ng manyika sa maliit na pagawaan ng mag-asawang Samuel at Esther Mullins (Anthony LaPaglia at Miranda Otto, respectively.) Sa isang road accident mamamatay ang kanilang nag-iisang anak na Bee (Samara Lee) – dahilan upang maging desperado ang mag-asawa at humingi ng tulong sa kahit na anong kapangyarihang kayang ibalik ang anak. Hashtag #alamnathis.
Pagkaraan ng ilang taon, ipahihiram ng mag-asawa ang kanilang nangungulilang bahay sa isang ampunan na nawalan ng tahanan. Hindi magtatagal ay magpaparamdam si Annabelle sa mga bago niyang kalaro, lalu na sa kawawang lumpong Janice (Talitha Eliana Bateman.) Lumpo = mabagal sa takbuhan. Hashtag #alamniyona.
Parang itong short film na ini-stretch ang kwento mabigyan lang ng karagdagang kwento ang pinagmulan ni Annabelle, puno naman ito ng mga classic na katatakutan kaugnay ng dinemonyong manyika. Masterful ang build-up ng mga katatakutan at tension lalu na iyong formula kung saan gagawin ng karakter ang bagay na hindi gusto ng audience. Gaya ito ng, “huwag mong buksan ang pinto” at bubuksan nga ang pinto. “Huwag pakialaman ang gamit ni Annabelle” at pakikialaman nga ang mga gamit. “Huwag pumunta sa balon” at ayun, andun si Sadako ang kulit mo kasi. Naiintindihan ng filmmakers na mas may suspense nang nabibigay ang matagal na babad closeup sa mukha ng manyika kumpara halimbawa sa hyper-editing ng ilang Asian horror films ng mga baguhang filmmaker.
Kung katatakutan lang naman ang punto ng horror film di bale na ang manipis ang kwento, sulit na ang Annabelle: Creation sa sindakan.
Pakatandaan lang na kabilang ang kwentong ito sa nabubuong Conjuring “universe” at may eksena sa bandang gitna at sa credits patungkol naman sa isang demonyang madre na may makapal na make-up.
A Family Man
Directed by Mark Williams
Rated PG
Tungkol ito sa isang career-obsessed na ama na magkakaroon ng krisis pamilya nang magkasakit ang panganay na anak ng malubhang cancer.
Si Gerard Butler bilang Dane Jensen, ay isang maangas na “headhunter” o taga-match ng trabaho at trabahador ng isang recruitment agency sa Chicago. Dinadala ni Dane sa sindakan ang pakikipag-ayusan sa mga kompanyang naghahanap ng partikular na empleyado, kaya madalas ay nakukuha niya ang gusto niya. Mahusay siya sa kaniyang ginagawa at naghahabol ng promotion bilang kasunod sa may-ari ng kompanya (Willem Dafoe) kung mahihigitan niya sa komisyon ang kanyang kasamahan (Alison Brie.)
Nga lang, hindi madadala ng galing niya sa trabaho ang pagpapagaling sa sakit ng anak na Ryan (Max Jenkins) na nangungulila sa ama.
Kung aakalain niyong kwento ito ng isang amang iiwan ang trabaho para maalagaan lang ang may sakit na anak, hindi rin. Kung aakalain niyong tulad ito ng Lorenzo’s Oil (1992) kung saan sinuuong ng mag-asawa ang langit at lupa mahanap lang ang gamot sa sakit ng anak, hindi rin. Kung aakalain itong heavy drama tungkol sa legal ethics ng medicine at buhay tulad ng My Sister’s Keeper (2009) hindi rin.
Light on drama at light on acting itong pelikula kung saan parang hindi seryoso sa kanilang karakter ang mga aktor bilang kasamahan ni Dane sa trabaho, at trying hard naman si misis Elise (Gretchen Mol) na may Alice Dixon vibe. “Meh” lang ang masasabi ko sa kwento at sa produksyon na pinaabot pa sa ending bago mag-improve ang relasyon ng mag-ama.

Leave a comment