Trip to Europa
Ni Vives Anunciacion
Published 9.19.2017 Inquirer Libre, PH
THIS REVIEW IS IN FILIPINO
Para kang magti-trip to Europe nang libre sa ginaganap na Cine Europa 2017 European Film Festival sa Shangri-La Cineplex Cinema 2 sa Mandaluyong. Dalawamput apat (24) na pelikula ang ipinalalabas nang libre sa publiko mula sa labing-anim na bayan sa Europa. Libreng trip to Europe na, aircon pa. Hihindi ka pa ba. First come-first served lang, kasi limitado ang upuan. Mangyaring pumila lamang.
Souvenir
Directed by Bavo Defurne
French with English subtitles
Rated PG
Pinoy na Pinoy lang style ng kwento nitong Souvenir ni Bavo Defurne, tungkol sa isang nalaos nang ‘70s singer (Isabelle Huppert) at isang bagets na ameteur boxer (Kévin Azais) na nahulog ang damdamin sa isa’t isa pagkatapos nilang magkakilala sa pinagtatrabahuhang paktorya ng pagkain.
Susubukan ng dalawang buhayin ang career ni Liliane (Huppert) sa pagsali sa isang mala-Got Talent na contest, pero matitiis kaya ni Jean (Azais) ang pagtulong ng isang judge sa contest na ex-husband ni Liliane?
Very sweet at tender lang ang May-December affair nina Liliane at Jean, at naka-fous ang kwento kung paano nag-adjust ang magkasintahan sa sitwasyon nilang dalawa. Parang Pinoy movie lang ang mga eksenang nagre-react na ang pamilya ni Jean sa sitwasyon nila ni Liliane, at pati na rin kung paano maadik sa singing contest ang mga Pranses. Winners.
Two Lottery Tickets
Directed by Paul Negoescu
Romanian with English subtitles
Rated G
Mala-Dolphy at sidekicks naman ang komedyang Două lozur (Two Lottery Tickets) mula Romania, tungkol sa isang mekaniko Dinel (Dorian Boguta) na nanalo ng lotto sa tulong ng mga kaibigan (Dragos Bucur at si Alexandru Papadopol) – pero sa kasamaang palad ay nawala ang ticket nang madukutan si Dinel ng dalawang punk.
Swabe lang ang kaganapan, walang naghi-hysteria kung dito iyan ginawa, halos walang music at baka antukin ka pa kung hindi ka nagmamasid nang maigi. Pero sunud-sunod na comedy of errors ang tatlong simpleng bugok na nagka-kwarta na, naging bato pa. Two Lottery Tickets ang titulo – ano kaya ang nangyari at may ikalawang ticket? Panoorin at humalakhak.
Ika-dalawampung edisyon na ito ng longest-running international film fest sa bansa, hatid ng Delegation of the European Union in the Philippines, Film Development Council of the Philippines, Shangri-La Plaza at Shangri-La Cineplex.
Mapapanood nang libre sa publiko ang mga pelikulang kalahok sa Cine Europa 20 sa Shangri-La Cineplex Cinema 2 hanggang sa susunod na Martes, September 26. Maaaring tignan ang schedule ng mga pelikula sa Facebook page ng European Union in the Philippines.
—
Samantala, palabas na sa Miyerkules, September 20 ang pelikulang nagwagi bilang Best Picture sa nakaraang Cinemalaya 2017, ang Respeto ni direktor Treb Montreras under the production of Arkeofilms, kung saan ako kabilang.
—
Markahan na ang inyong mga kalendaryo dahil sa ika-5 hanggang 15 ng Oktubre naman gaganapin ang ika-16 na edisyon ng Pelicula, ang 2017 Spanish Film Festival, sa Greenbelt, Makati. May bayad naman ito, hindi libre, pero mas mura kaysa sa karaniwang ticket price. Dalawampung pelikula ang ipalalabas mula sa España at iba’t ibang bansang Espanyol ang salita. Vamos na!

Leave a comment